Tuesday, 5 November 2024

ANG KALAGAYAN NG POLITIKA SA PILIPINAS

Blog na Pang-Edukasyon 

ANG KALAGAYAN NG POLITIKA SA PILIPINAS

Malaki ang gampanin ng politika sa araw-araw na pamumuhay. Sa ayaw man natin o gusto, apektado tayo ng bawat desisyong napagkasunduan at mapagkakasunduan pa ng mga nasa katungkulan.


Marami ang mga hamong kinakaharap ng ating bansa na dapat bigyang pansin. Isa na rito ay ang kawalan ng maayos na patakaran sa politika. Maraming pulitiko ang namumuno sa ating bansa na hindi karapat-dapat sa kanilang posisyon. Isa sa mga humahadlang sa pag-unlad ng ating bayan ang pagkakaroon ng matinding suliranin sa korapsyon. Isang paglabag sa itinatakda ng ating batas na nangangailangan ng isang moral at tamang solusyon upang ito ay malutas.

Karaniwan na sa ating pamahalaan ang pagkakaroon ng mga pinuno na ang tanging gusto lamang ay yumaman. Ang kanilang posisyon ay ginagamit para makuha ang kanilang pansariling kagustuhan na hindi isinasaalang-alang ang kinabukasan ng mga mamamayang nasasakupan. Ang mga mahihirap Ang palaging naaapektuhan dahil dito. Sa ating bansa ang mga may kapangyarihan ay nang-aabuso na dapat sana'y makatulong sa mga mahihirap ay naging daan pa ito para ang mga nasa posisyon ay mangurakot at gastahin ang pondong inilaan para sana sa mga proyekto ng ating pamahalaan.


Kung ganito parin ang sistema sa politika at patuloy na makikita ng mga mamamayan anong gagawin nila?

Siguradong bawat isa ay magtatanim ng galit sa mga nanunungkulang walang ginawa kundi gastahin lamang ang kaban ng bayan?

Bakit nga ba mahirap sugpuin ang korupsyon?

Bakit nga ba may mga panlilinlang lalo na’t salapi ang pinag-uusapan?

Maituturing na itong sakit ng ating lipunan, mistulang kanser sa loob ng ating pamahalaan. Ang korapsyon ay isa sa mga dahilan at nagiging ugat ng kahirapan dito sa ating bayan. Ang pagiging ganid sa pera at kapangyarihan ng mga namumuno ay ang ugat ng lahat ng kasamaan. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang korapsyon ay laganap sa ating bayan. Ang pagnanakaw sa kaban ng bayan ng mga taong ganid na namumuno sa ating lipunan.  


Batay sa pagaaral mula sa Berlin-based orga­nization Transparency International, sa 180 bansa, ang Pilipinas ay nasa ika-115 puwesto sa Corruption Perception Index (CPI). Masyadong malayo pa ang kailangang tahakin ng ating bansa bago maabot ang mataas na antas ng walang bahid ng korapsyon. Sa kasalukuyan, maraming sekto ng pamahalaan ang puro katiwalian. Maraming nagpapasasa sa pera ng taumbayan. Mara­ming “buwaya” na walang kabusugan.

Napakalakas ng kanilang loob upang mangurakot dahil alam nilang hawak nila ang batas at kaya nila itong malusutan. Taumbayan ang ninakawan, kaya nararapat lamang na tayo din ang dapat umusig sa mga taong may dapat pagsisihan. Malawak at malala na ang suliraning korapsyong kinakaharap ng ating bayan.

Dahil sa patuloy na ganitong uri ng sistema ay nawawalan na ng tiwala ang mga mamamayan sa ating gobyerno dahilan para magkaroon ng malawakang pag-aaklas. Tayo ang naglalagay ng mga pinuno sa kanilang posisyon kaya ay nasa kamay ng bawat isa ang pagkakataon na mabawasan at matigil ito. Kung magiging tama ang ating mga desisyon tayo ay mabubuhay sa bayang may tamang sistemang umiiral na walang korapsyon, may kalayaan at may katarungan.

Sama-sama nating labanan ang korapsyon! Magkaisa tayo para sa isang bansang maayos at maunlad.



References:

ANG KALAGAYAN NG POLITIKA SA PILIPINAS

Blog na Pang-Edukasyon  ANG KALAGAYAN NG POLITIKA SA PILIPINAS Malaki ang gampanin ng politika sa araw-araw na pamumuhay. Sa ayaw man natin ...